Home » Archives » July 2009

Ang Aksidente - Part 2

Saturday, July 25, 2009

Kung saan-saang tindahan kami nagpunta. May mga tindahang malalaki at may mga tindahang maliliit. Yung iba nga e hindi na mukhang tindahan. Basta malayo na kami. Umabot na nga kami sa kalsada na may mga nagbabantay na pulis. Tipong highway na. E kamusta naman, tatlo kami, walang nakahelmet, si Gary nakapekpek shorts at ang ingay-ingay pa rin namin. E di bumalik kami.

Hindi naman kami sumuko. Tumuloy naman kami doon sa isang daan. Rosario ‘ata yung pangalan nung lugar na yun. Ang weird lang kasi habang dumadaan kami doon sa isang tulay, iba yung kulay ng kapaligiran. Alam mo yung kulay ng lumang pictures? Yung sepia ba. Basta yun, ang lakas maka moments of love yung dating nung lugar. E feel na feel naman daw namin.

Lumagpas kami do’n sa tulay at may nakita kaming gasolinahan. Hindi ko na matandaan kung Caltex ba yun o kung ano. Si Gary ang may hawak ng pera kaya siya ang bumili. Siya na rin yung nagdala ng yelo. Ayoko rin naman kasing magdala ng malaking plastic na punung-puno ng tube ice. Ganoon pa rin ang puwesto, si Bryan ang driver, si Gary ang nasa gitna at ako ang nasa dulo. May dagdag nga lang na yelo.

(Naiisip ko tuloy ngayon na sumama lang ako dahil ang sarap ng hangin ‘pag nakasakay sa motor.)

Para sa akin, ang laking achievement nung pagkabili sa yelo. Ang layo na kasi ng lugar. Ayun, dumaan na naman kami sa lumang mundo (tawag ni Gary). Kuwentuhan, tawanan, mga ganyan. Nagrereklamo na nga si Bryan kasi ang ginaw nga raw ng yelo sa likod niya. Naaalala ko ngang dinudutdot pa ni Gary yung bilbil na Bryan e. May sound effects pa yun. “Taba. Taba. Taba.” Medyo ang harot lang ni Gary kasi nagawa niya pa yun bilang yung isa niyang kamay hawak yun sukli tapos sa isang kamay naman yung yelo.

Bigla na lang kaming tumahimik. Hindi ko alam kung ano yung dahilan nila. Basta ako namamanhid yung isa kong binti. Nagtanong pa nga si Bryan kung bakit nga tahimik. Walang sumasagot.

May naaninag kaming anino sa gitna ng kalsada . Hindi ko alam kung ano yun. Mabilis magpatakbo si Bryan kaya kailangan niyang huminto para hindi kami makadisgrasya. E sigurado namang hindi kami makakahinto agad. Ang alam ko na lang nangyaring sumunod e nagslow motion lahat. Alam mo yun, ang bagal ng oras pero hindi ka nakakapag-isip?

(Ano pa nga bang maiisip mo? Alangan namang isipin ko yung namamanhid kong binti e anumang oras e baka hindi na siya parte ng katawan ko?)

Salamat naman at hindi namin nasagasaan ang mahiwagang anino. Ang nangyari nga lang kami ang nadisgrasya. Matapos noong slow motion, tumagilid ang motor at dumausdos ito sa kalsada. Medyo nabago yung puwesto. Ako, tumalsik ako kaya medyo nauna pa ako kesa dun sa motor. Si Bryan kasama yung motor. Si Gary naman nabitiwan yung yelo at yung sukli pero hindi sila nagkakalayo ni Bryan.

Parang medyo naging selfish ako ng mga panahong yon kasi tumakbo ako sa malayo at umupo. Yung upong emo. Siyempre nagulat ako sa nangyari at iniisip ko kung ano ba ang dapat kong isipin. Iisipin ko pa ba yung manhid kong binti? Teka, parte pa ba siya ng katawan ko? Basta sinusubukan kong kalmahin ang sarili ko ng mga sandaling ‘yon.

Pero hindi ko ‘ata magawa dahil sa nakikita’t naririnig ko. Naririnig ko si Bryan na sumisigaw at nagmumura. Si Gary naman niligtas yung yelo at inilagay sa gilid ng kalsada para hindi masagasaan. Yung pera naman sumabog kasi sa kalsada kaya hindi na niya pinulot. Saka no’ng mga panahong ‘yon medyo malilito ka kasi ang laki ng boses ni Gary no’n. Tapos nagtatanong kung ayos ka lang. Sa isip mo, “Shet. Lalaking nakapekpek shorts.”

Walang tumutulong sa aming mga tao. Siguro akala nila may shooting. Nanonood lang sila.

Noong mga sandal ring yon nasabi ko sa sarili ko na ang mga taong ‘to e mga tunay na kaibigan. Kasi kahit super duguan na sila e hinanap nila ako. “Si Norris?! Asan si Norris?!” Feeling kasi nila ako yung pinakamalala kasi ako nga yung tumalsik sa motor. Pero sa braso lang ako nagkasugat kasi nakapantalon ako. Basta hindi ko pa alam kung nasa’n yung mga sugat nila. Naaalala ko lang no’n e nagdudugo ‘yung mukha ni Bryan at si Gary ay nakapekpek shorts at nagligtas ng yelo.

Nagmumura pa rin si Bryan. “T*ng in* mo manong! T*ng in* mo!” Akala ko taxi yung anino pero pag-uwi namin, mali pala ako. Malay ko bang nanonood lang din si Manong Taxi Driver.

Ayos pa naman ‘yung motor. Kahit yung ibang parts e naiwan na rin sa kalsada kasama yung pera. Ako ang nag-drive pauwi.

Posted by norris at 3:39 pm | permalink | Add comment

Ang Aksidente - Part 1

Friday, July 24, 2009

BORED. WALANG MAGAWA.

Halu-halo ang aking nararamdaman sa tuwing naaalala ko na minsan sa aking buhay e naaksidente ako kasama ang aking mga kaibigan. Pero kung tatanungin mo ko ngayon kung ano na yung damdamin na nangingibabaw e siguro tuwa yun na may konting inis.

Hindi ko na matandaan kung ano bang meron no’n kina Conrad. Yun kasi yung mga panahong maisipan lang na mag-inuman e mag-iinuman talaga. Kaya kahit walang nagbibirthday e present ang alak at tempura na minsan sa kagustuhang kainin e hindi na talaga binayaran.

Teka. Kung iniisip mong kaya kami naaksidente ay dahil nasa ilalim kami ng impluwensiya ng alak e nagkakamali ka. Wala pa kaming naiinom. Ewan. Ako na lang ‘ata ang hindi umiinom. Basta hindi kami lasing. Basta kami nina Bryan at Gary ang nagpresinta na bumili ng dagdag na alak at yelo. Wala na rin kasing yelo nun dahil si Tita Tess (Mama ni Conrad) e nagdefrost ng refrigerator nila.

At yun nga, dahil sa mabait kami, amin nang sinakyan ang powder blue na motor ni Conrad at pumunta na sa mga tindahan upang bumili ng yelo at alak. Heto ang puwesto namin sa motor: Si Bryan ang driver, si Gary ang nasa gitna, at Ako ang nasa dulo.

Medyo may karanasan na ako sa pagamamaneho ni Bryan ng motor. Minsan kasi nung tatlo naman kami nina Vero ang nagpunta sa McDo, maliban sa mahihigpit na hawak ni Vero ay nakakagat siya sa aking likod. Kagat na kulang na lang matapyas na yung balat mo. Bago nga pala siya kumagat sa aking likod e iba’t-ibang sigaw at mura na ang inabot ni Bryan. Siguro alam mo na kung gaano kabilis ‘yung takbo ng motor.

Balik sa kuwento. Nagtagumpay naman kami sa pagbili ng alak pero sa yelo? Hindi. Siguro isa na yun sa indikasyon ng Global Warming o sadyang marami lang talagang nag-iinuman noong gabing ‘yon. Bumalik kami sa bahay nina Conrad at dinala ‘yung mga alak. Hindi ko alam kung may nagsabi na puro alak na lang at paano iinom kung walang yelo. Basta ang alam ko na lang na kasunod e nagmomotor na naman si Bryan ng kay bilis bilis. Ayon nga pala sa kanya e mabagal pa ‘yon.

Ang daldal namin habang bumabiyahe. Si Gary naman kasi kung magjoke kahit na sobrang masama na e tumatawa pa rin kami. May nadaanan kasi kaming trak ng basura at sinabi niyang nando’n ang isa naming kaklase na medyo may kabahuan ang hininga at doon daw ‘yon pinatay para hindi malamang nandoon yung bangaky. Kaya yun, kahit di pa kami lasing e siguro sa isipan ng mga taong nadaanan at nakarinig sa amin, delikado yung ginagawa namin.

Na yun pala sa mga halakhak na yon, sa ilang sandali na lang e may lilipad sa motor at may mga magtatamo ng mga pilat na habang buhay e magpapaalala na naaksidente sila.

Posted by norris at 11:43 pm | permalink | Add comment