…
Thursday, December 9, 2010Bigla ko lang naisip.
Ngayon gusto ko na lang mapunta kung saan. Sa gitna ng dagat. Sa tuktok ng bundok. Sa bubong na mahilig tambayan ng pusa. Gusto kong maramdamang malayo ako. Gusto kong tumingin sa langit habang nagyoyos at lumalaklak ng beer hanggang halos isuka ko na. Asa.
May pakialam pala ako nang malaman kong halos walang pakialam sa akin ang ibang tao.
Hindi ko pinipilit magmahal ng tao. Mabuti ako at alam ko sa sarili ko ‘yan. Kung masama man ako, hindi ako ganoon kasama para mabastos sa harap ko. Para bumaba ang tingin sa sarili ko dahil sa gusto ninyo. Kahit sabi nila nasa sarili mo magmumula ang kasiyahan mo, hindi ba mas masaya kung ang mga taong nasa paligid mo ang nagpapasaya sa ‘yo? Hindi ko pinipilit magmahal ng tao. Mahal ko ang mga kaibigan ko. Hind ko kailangan ng masamang karma.
Marami akong pinagdadaanan. Natatakot ako na isang araw na mamamatay na lang ako na hindi man lang ako makabasa ng panyo kakaiyak. Hindi ako marunong umiyak. Sige na, paiyakin mo ko. Kahit wala ka ng pakialam kung bakit.
Bahala ka kung gusto mong maging makabuluhan ‘yang inarte kong ‘yan.
Nahihirapan akong magtiwala. Mas mahirap namang maramdamang nagtiwala ka sa maling tao.
Malay mo baka nasa gitna siya ng dagat. Sa tuktok ng bundok. Baka mas matulungan ka pa ng pusang walang imik sa bubong habang isinusuka mo lahat ng usok at alkohol sa katawan mo. Lahat ng sama ng loob mo. Gusto ko lang lumayo.
Wag kang mag-isip ng kung ano. Wala kang kinalaman dito. Ako lang ‘to.


