Home » Page 2

Thursday, December 9, 2010

Bigla ko lang naisip.

Ngayon gusto ko na lang mapunta kung saan. Sa gitna ng dagat. Sa tuktok ng bundok. Sa bubong na mahilig tambayan ng pusa. Gusto kong maramdamang malayo ako. Gusto kong tumingin sa langit habang nagyoyos at lumalaklak ng beer hanggang halos isuka ko na. Asa.

May pakialam pala ako nang malaman kong halos walang pakialam sa akin ang ibang tao.

Hindi ko pinipilit magmahal ng tao. Mabuti ako at alam ko sa sarili ko ‘yan. Kung masama man ako, hindi ako ganoon kasama para mabastos sa harap ko. Para bumaba ang tingin sa sarili ko dahil sa gusto ninyo. Kahit sabi nila nasa sarili mo magmumula ang kasiyahan mo, hindi ba mas masaya kung ang mga taong nasa paligid mo ang nagpapasaya sa ‘yo? Hindi ko pinipilit magmahal ng tao. Mahal ko ang mga kaibigan ko. Hind ko kailangan ng masamang karma.

Marami akong pinagdadaanan. Natatakot ako na isang araw na mamamatay na lang ako na hindi man lang ako makabasa ng panyo kakaiyak. Hindi ako marunong umiyak. Sige na, paiyakin mo ko. Kahit wala ka ng pakialam kung bakit.

Bahala ka kung gusto mong maging makabuluhan ‘yang inarte kong ‘yan.

Nahihirapan akong magtiwala. Mas mahirap namang maramdamang nagtiwala ka sa maling tao.

Malay mo baka nasa gitna siya ng dagat. Sa tuktok ng bundok. Baka mas matulungan ka pa ng pusang walang imik sa bubong habang isinusuka mo lahat ng usok at alkohol sa katawan mo. Lahat ng sama ng loob mo. Gusto ko lang lumayo.

Wag kang mag-isip ng kung ano. Wala kang kinalaman dito. Ako lang ‘to.

Posted by norris at 2:51 am | permalink | Add comment

FREE PHOTO EDITING SERVICES!

Tuesday, October 19, 2010

Tama~! Ako po ay nageedit, nagreretouch, nagmamanipulate at kung anu-ano-pang-puwedeng-gawin-sa-photoshop-pakshet ng mga larawan nang libre!*

 

Ito ay aking napagtanto sa tulong ng aking kaibigang si Mafe. Siya kasi ay namroblema sa kanilang family picture sa kadahilanang may nasamang hindi naman miyembro sa kanilang pamilya. Hindi ba’t napakagandang ideya na idaan sa photoshop ang kamaliang ito? Hindi na ako tumanggi pa dahil hindi napakabuti ni Mafe upang tanggihan. Naks. (Hindi pa kasi ako nakakapagpaalam kay Mafe. Pasensya.)

 

Nakita ko ang larawan. Noong una ay medyo nahirapan ako pero matapos ang ilang sandali ay nakaisip ako ng paraan upang masolusyonan ang kanyang problema.

 

Ito ang orihinal na imahe.

 

Solution no. 1 - Blurred effect.

 

Alam kong hindi masyadong nakakamangha ang ginawa ko. Well, sinadya ko. Una, gusto ko sanang protektahan ang pagkatao ng biktima. At pangalawa, ayokong mahalata niya na ninais siyang ipabura ng mga kasama niya sa larawan. Grabe no, ang saya saya niyo sa picture tapos ipapabura ka lang?

 

Solution no. 2 - Vase.

 

Napansing kong medyo halata pala na may kasama pa rin sila. Siyempre hindi naman sila maniniwala kung idadahilan mong blurred ang kuha at siya lang ang naapektuhan.

Hindi ba’t napakaganda ng vase? Para naman magkaroon na rin ng accent ang larawan. Medyo wala kasing dating kung ikukumpara sa mga nagpapakuha na gamit na gamit ang costumes, kurtina, stuff toys at kung anu-ano pang available sa studio. May mga gumagamit nga ng hagdanan, yung vase pa kaya?

 

Solution no. 3 - Kambal

 

Sa mga hindi po nakakaalam, may kapatid pong kambal si Mafe. (Tingnan muli ang unang larawan.) Kung hindi niyo napansing meron, hindi ko kayo masisisi. Kaya naisip kong idaan itong muli sa pag-eedit. Ang problema nga lang ay hindi ako sigurado kung kapatid din siya ni Mafe. Kung sakaling hindi mo pa rin nakikita ang pagbabago sa larawan ay wala na akong magagawa.

 

Solution no. 4 - Multo

Hindi ko sinasadyang maging ganyan ang hugis ng multo. Wala akong ibang ibig sabihin.

 

Ito ang pinakamagandang solusyon para sa akin. Sabi nila, “a picture is worth a thousand words”. Isipin mo na lang kung ipopost ito sa pamamahay lalo na sa may living room. Tapos party. Conversation piece ‘to friends. Puwede ka pang manakot ‘di ba? ‘Yun nga lang, doon sa party, dapat hindi invited si ate. Sayang nga lang at wala ng sfogs.com. Puwede rin sana itong i-upload doon.

 

Dito na nagtatapos ang aking blog. Ako ay umaasa sa mga future customers na nais magpaedit ng kanilang mga larawan. :)

 

*Ang libreng offer ay para lamang sa mga larawang katulad ng halimbawa sa taas. Salamat.

Posted by norris at 9:03 pm | permalink | Add comment

Weh.

Monday, October 4, 2010

Nakakatawa pero habang naiisip kita ngayon, nangingiti ako. Hindi ako sigurado kung natutuwa pa rin ako habang naaalala ko kung ano man ang meron tayo dati. Basta masaya ako. Alam ko naman na masaya ka rin. At wala rin naman akong ibang mahihiling kung hindi ang maging masaya ka.

Ang tagal ko na ring hindi nagsusulat. Wala naman akong ibang maisip dati kung hindi ang bitter ko lang. Wala lang. Natatawa ako dahil sa klase kong ‘to, naging malaking parte ang pagsusulat sa ‘yo. Mas malakas lang talaga loob ko sa sulat at mas marami akong nasasabi sa ‘yo.

Hindi ko alam kung kamusta ka na. Dahil siguro pinili kong huwag alamin kung ano na nangyayari sa ‘yo. Pero ngayon biglang namimiss kita. Namimiss ko kung sino ka. Alam kong malabo na mabalik ‘yung dati pero parang nanghihinayang ako na pinilit kitang burahin sa isip ko. Kamusta ka na nga ba? Kamusta na ‘yung aso mo na hanggang ngayon hindi ko matandaan ang pangalan?

Wala akong ibang masasabi sa ‘yo kung hindi salamat. Salamat sa pagdaan sa buhay ko. Salamat dahil minsan sa mga ganitong pagkakataon sa buhay ko may naiisip akong alaala tungkol sa ‘yo

Gusto kitang makita. Gusto kong marinig ulit ang boses mo. Gusto kong magkuwento ka tungkol sa aso mo. Kahit pa siguro tungkol sa bagong pinag-iikutan ng mundo mo.

. . . 

Alam mo ‘yon, ang hirap magrevise ng thesis kung hindi mo alam kung nasaan ‘yung irerevise mo.

Posted by norris at 1:40 am | permalink | Add comment

Recovered Post

Wednesday, June 9, 2010

:*

 

Wala lang.

Posted by norris at 3:47 pm | permalink | Add comment

Ano ang tagalog ng random?

Saturday, May 22, 2010

Alam mo ba? Hindi ko pa alam e.

Kasalukuyan akong nalulungkot sa hindi malamang kadahilanan. Labo. Ewan ko, basta bigla na lang akong nalulungkot. Hindi na siya tama.

Samantalang kanina ayos naman ako. Ngumingiti pa nga ako kanina e. Alam mo ‘yon hindi mo na namamalayan tumutulo na pala ‘yung laway mo? Hehe.

Baliiiw.

Posted by norris at 11:58 pm | permalink | Add comment